Isang guhit ng liwanag na napagkamalang unidentified flying object o UFO ang namataan sa Labangan, Zamboanga del Sur. Sa Zamboanga City naman, nakita ang mga berdeng ilaw sa kalangitan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na mapapanood din sa Saksi, makikita ang dahan-dahang pagtawid ng guhit ng liwanag sa himpapawid.
Pero paliwanag ng astronomy division ng PAGASA, posibleng isa itong meteor, o space jam o mga nahuhulog na debris.
Tungkol naman sa mga berdeng ilaw sa kalangitan, ipinaliwanag ng PAGASA na tinatawag itong light pillars, na dulot ng ice crystals sa ibabaw ng mga ulap.
Bihira ang mga ganito sa Pilipinas at mas madalas sa mga malalamig na lugar. —LBG, GMA Integrated News