Isang bangkay ng lalaking nakaposas at may tama ng bala ng baril sa ulo ang nakita sa bypass road sa Tayabas City, Quezon nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing may takip din sa mukha ang biktima na nakita sa bakanteng lote sa bypass road sa Barangay Wakas.
Walang pagkakakilanlan sa biktima maliban sa tattoo nito sa braso na mukha na may bigote, at may tattoo rin sa dibdib na may nakasulat na "Alfonso."
Tinatayang nasa edad 35 ang biktima, kayumanggi at nasa 5'5" ang taas, at nakasuot ng pulang jersey at asul na shorts.
Ayon sa pulisya, isang lalaki na dumaan sa lugar ang nakakita sa bangkay ng biktima.
"Nakita na may sasakyan na dali-daling lumabas doon sa area. Kaya agad po tayong nag-follwo up para doon sa mga playback ng mga CCTV," ayon kay Police Leiutenant Colonel Bonna Obmerga, hepe Tayabas Police.
Sinabi ng awtoridad na matapos silang magtanong-tanong sa mga nakatira malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay para sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima, susunod na silang magtatanong sa mga barangay at mga kalapit na bayan.
Nakalagak ang bangkay ng biktima sa punenarya sa Tagbilaran City sa Quezon. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. --FRJ, GMA Integrated News