Patay na ang isang 60-anyos na babae nang matagpuan sa isang bahay sa Barangay Buenavista, General Trias, Cavite.
Nakilala ang biktima na si Guadalupe Mangubat, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.
Sumuko naman sa pulisya ang nagpakilalang live-in partner ng biktima na si Roberto Tacbobo na bitbit ang kutsilyong ginamit umano sa krimen.
Ayon sa suspek, nag-inuman sila ng biktima dakong hatinggabi ng Linggo.
Nang siya ay nalasing ay nakadama siya ng selos.
"Ang nagpaibabaw sa sarili ko, 'yung ugali ko. Bale 'yung pangyayari na 'yon, hindi ko ano, wala akong balak na patayin siya. Sa ano ko lang 'yon, sa sobrang selos at saka galit ba," ani suspek.
Ayon naman sa kaanak ng biktima, hindi live-in partner ni Guadalupe ang suspek. Hindi raw nila kilala ang suspek at sa katunayan ay may stepfather daw sila, sabi ng anak ng biktima na si Geraldine Mangubat.
Kuwento naman ng live-in partner na si Jovencio Maraya, Sabado ng gabi nang huli silang nagkita ng biktima. Umalis daw ito ng bigla nang hindi nagpapaalam. Hindi rin daw kilala ni Maraya ang suspek.
"Hindi ko po alam. Haka-haka lang sa akin. Inisip ko sa sarili ko na... Nalaman ko na, huli na," ani Maraya.
Ayon sa pulisya, ginilitan sa leeg ang biktima.
"Ang dahilan o motibo po ay silakbo ng dugo at yung sobrang pagseselos or paninibugho ang dahilan kung bakit nagawa niyang gilitan ng leeg ang kanyang kinakasama," ani Police Lieutenant Colonel Jose Naparato ng General Trias PNP.
"You just imagine, gamit niya 'yung kitchen knife," dagdag niya.
Nagsisi raw ang suspek matapos mahimasmasan, ani Naparato.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek na nasa kustodiya ng pulis.
Samantala, isinailalim sa forensic analysis ang crime scene. —KG, GMA Integrated News