Tatlo katao ang nasawi--kabilang ang isang babaeng angkas--sa magkakahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng motorsiklo.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing nasawi si Angelica Tamayo, nang masangkot sa karambola ng tatlong sasakyan ang motorsiklo na kaniyang sinasakyan.
Ayon sa pulisya, palabas ng national highway sa Barangay Upeg sa Gamu, Isabela, ang isang tricycle nang nasalpok ito ng isang pick-up truck.
Sa lakas ng pagkakabangga ng pick-up, tumilapon ang tricycle at tumama sa motorsiklo na sinasakyan ni Tamayo.
Nasugatan pero nakaligtas naman ang mag-ama na nakasakay sa tricycle.
Sa Concepcion, Tarlac, isang 19-anyos na rider naman ang nasawi matapos magulungan ng bus sa national highway sa bahagi ng Barangay Dutung-A-Matas.
Ayon sa awtoridad, nagkabangaan muna ang motorsiklo ng biktima at ang isang tricycle.
Napalihis ng daan ang motorsiklo ng biktima at napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan siya nahagip ng bus.
Sa San Juan, Ilocos Sur, isang 18-anyos na rider naman ang nasawi matapos na mawalan ng kontrol sa minamaneho niyang motorsiklo at bumangga siya sa poste.
Ayon sa mga awtoridad, paliko ang bahagi ng daan kung saan naaksidente ang biktima, na bibili lang sana ng miryenda nang mangyari ang insidente. --FRJ, GMA Integrated News