Nagsilbing palaisipan sa isang mag-asawa ang kasarian ng kanilang sanggol, dahil isinilang ito na tila parehong may ari ng isang lalaki at isang babae. Ano kaya ang tawag sa ganitong kondisyon, at posible pa kaya itong masolusyunan?
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Ian Cruz, sinabing nahirapang tukuyin ng mag-asawang Alaiza Asia at Kenneth mula sa Atimonan, Quezon ang tunay na kasarian ng kanilang dalawang buwang gulang na anak dahil sa kakaiba nitong sitwasyon.
“Para siyang sa babae kasi ‘yung itlog niya nasa may itaas, naiipit ang pinaka-ari. Pero ‘yung pinaka-ari niya sa panglalaki, pero ang pinag-iihian niya ay sa pambabae,” sabi ni Alaiza.
Dahil kailangang mailagay ng kasarian sa birth certificate ng anak, nagdesisyon ang mag-asawa na lalaki ang ilagay na kasarian.
Ngunit hindi naiwasan nina Alaiza at Keneth na mangamba na baka tuksuhin ang kanilang anak sa paglaki nito.
“Nahihirapan po ako at the same time nasasaktan kasi naiisip ko na what if kapag lumaki siya at nag-aaral na, paano kapag umiihi siya, nakaupo, puwede po siyang ma-bully no’n,” sabi ni Alaiza.
Bukod dito, wala rin sa kanilang pamilya ang may ganitong kondisyon.
Kaya naman sinadya na nina Alaiza at Kenneth na ipasuri sa pediatric surgeon na si Dr. Michael Gaw ang kanilang anak para matiyak na ang kasarian at kondisyon nito.
Makaraan ang pagsusuri, lumabas na hindi dalawa kundi isa lamang ang kasarian ng kanilang anak, at hindi rin ito isang hermaphrodite.
Inilahad ni Dr. Gaw na lalaki ang tunay na kasarian ng kanilang sanggol, ngunit may kondisyon itong proximal hypospadias.
Ang proximal hypospadias ay isang uri ng birth defect kung saan wala sa pinakadulo ng ari ang dulo ng urethra o daluyan ng ihi ng lalaki.
“Sa hypospadias ang nangyayari ay nasa ilalim, nasa penile shaft o baras ng ari. Puwede siyang malapit sa dulo, puwede siyang sa may gitna, puwede siyang nasa may puno, o sa base ng penis. Or even doon sa may scrotum sa may itlog, or even malapit na siya sa opening ng puwet,” paliwanag ni Dr. Gaw.
Bukod dito, ang isang lalaking may proximal hypospadias ay mayroon ding bifid scrotum kung saan ang magkahiwalay ang sac na naglalaman ng dalawang itlog.
Hindi pa rin matukoy kung paano nagkakaroon ng hypospadias ang isang tao.
“Until now wala pang ma-pinpoint na single cause for having hypospadias. Maraming theories including genetics, familial and even hormonal. Hindi siya nakikita sa ultrasound during congenital anomaly scan,” sabi ni Dr. Gaw.
Matitatama ito sa pamamagitan ng surgery na nagkakahalaga ng P30,000 hanggang P40,000 sa pampublikong ospital. —VBL, GMA Integrated News
Sanggol sa Quezon, hindi agad natukoy ang kasarian dahil may dalawa umanong ari
Abril 15, 2023 11:41pm GMT+08:00