Nakahubad at nakatali sa kahoy nang makita sa ilog ang bangkay ng isang 18-anyos na lalaki na unang idineklarang nawawala ng kaniyang mga kamag-anak sa San Ildefonso, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV sa Ilocos Sur "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jonathan Rapin, caretaker, at residente ng Barangay Gongogong.
Nakita ang bangkay ng biktima na nakalutang sa gilid ng ilog sa nasabi ring barangay. Nakahubad ito, at nakatali sa kahoy ang leeg, mga kamay at mga paa.
Hinala ni Police Captain Alberto Ramos Jr., OIC, San Ildefonso Police Station, higit sa dalawang tao ang nasa likod ng krimen batay sa sinapit at pagtali sa biktima.
"Kasi sa pagtali, pagbuhat tapos yung pagtapon sa ilog, hindi po magagawa ng isang tao po yon," paliwanag niya.
Tinatayang dalawang araw nang patay ang biktima nang makita at nagsisimula nang maagnas.
Sinabi sa ulat na Abril 10 nang huli raw na makitang buhay ang biktima, at kinabukas ay inireport sa mga awtoridad ng mga kaanak na nawawala.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang motibo sa krimen at kung sino ang pumatay sa biktima, na nakatakda sanang magtapos sa high school ngayon Abril. --FRJ, GMA Integrated News