Patay ang isang tatlong buwang gulang na babaeng sanggol sa Zamboanga del Norte matapos kagatin ng isang aso ang ulo nito.
Sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional Tv One Mindanao sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage ng isang gasolinahan sa President Manuel A. Roxas, Zamboanga del Norte, ang pagpasok ng aso sa silid kung nasaan ang sanggol.
Dumaan pa ang ito sa harap ng mag-asawa na kapwa trabahador ng gasolinahan habang naghihintay ng kustomer noong April 3.
Nang makita ng mag-asawa ang aso, sinundan nila ito at doon napag-alaman na kinagat na pala ng aso ang ulo ang sanggol na si Natasha Talibong habang natutulog.
Lumabas ang ama ng sanggol pasan ang aso at inihagis ito sa labas.
Naisugod pa sa ospital ang sanggol pero binawian na ng buhay.
“'Yung aso dumaan mismo malapit sa kanila at hindi nila napansin. Mga 13 seconds pumasok ang aso sa silid at doon na kinagat sa ulo. Nasa sahig lang nakahiga ang sanggol,” ani Police Staff Sergeant Ailicar Tindugan, Chief Investigator President Manuel A. Roxas Police Station.
Dagdag pa ng pulis, hindi raw alaga ng mag-asawa ang aso kaya pinaghahanap na ang aso para malaman kung sino ang may-ari nito.
Samantala, sinubukan ng GMA Regional TV One Mindanao na makunan ng pahayag ang mga magulang ng sanggol pero tumanggi ang mga ito na magbigay ng pahayag. —Sherylin Untalan/NB, GMA Integrated News