Umakyat na sa P1.1 milyon ang alok na pabuya para madakip ang suspek sa pagpatay sa isang babaeng estudyante na pinagsasaksak sa loob ng isang dormitoryo sa Dasmariñas, Cavite.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ang alok na pabuya ay mula kina Cavite Governor Jonvic Remulla at Senator Bong Revilla.
Martes nitong hapon nang makita ang duguang katawan ng computer science at graduating student na si Queen Leanne Daguinsin, 24-anyos.
Pagnanakaw ang lumilitaw na motibo sa krimen.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng 14 na saksak sa katawan at leeg ang biktima.
Sa kuha ng CCTV footage, makikita ang suspek na lalaki na nakasuot ng asul na t-shirt, black cap, at may suot na face mask.
“Napakabait po ng kapatid ko, napakamapagpasensya niya po, napakamapagmahal. Kumakatok po ako sa mga puso niyo na kung sinuman pong nakakita, nakarinig, o nakasaksi po ng pangyayari, magtiwala po tayo sa mga kapulisan,” panawagan ni Bryan Daguinsin, kapatid ng biktima.
Dahil sa nangyaring krimen sa dormitoryo, hindi maiwasan na mangamba ang iba.
“Imagine mo 'yun na 'yung lugar na akala mo ligtas 'yung anak mo bigla na lang mamatay sa loob ng inaakala mong pinakaligtas sila,” ayon kay Angelo Alfonso Bautista.
Sa Maynila, sinuri ng kapulisan ang ilang dormitoryo upang alamin ang mga kailangan ayusin patungkol sa seguridad. Ayon sa tala ng Manila Police District (MPD), tinatayang nasa 20 ang mga dormitoryo sa university belt area.
Napansin ng mga awtoridad na walang security guard at CCTV camera ang mga murang dormitoryo.
“Ito po ay isa sa mga priority din po na iniikutan ng mga PCP commanders sa kanilang areas of responsibility (AOR) para mapanatili ang kaayusan dito po,” sabi ni Police Major Roberto Fajardo, deputy station commander MPD Station 14.
Sinuri na rin ng pulisya ang ilang bahay na ginawa nang paupahan para sa mga estudyante sa university belt area. Napansin din ang ilang kaluwagan sa seguridad.
“Dapat che-check-in n'yo 'yung hallway niyo kung merong naiwang susi para ire-remind niyo may naiwan kang susi dito kasi madaling i-duplicate,” paalala ni Police Chief Master Sergeant Laurencio Bernardo of MPD station 14.— FRJ, GMA Integrated News