Sugatan ang isang lalaki sa San Juan, Batangas matapos na mauwi sa insidente ng pamamaril ang umano'y insidente ng asaran dahil sa lugaw.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Mark Joshua Razon, 26-anyos.

Patuloy namang pinaghahanap ang suspek na si Roderick Hernandez, 38-anyos, na sumugod umano sa resto bar kung saan nangyari ang insidente.

Ayon sa pulisya, bago mangyari ang pamamaril, nagkaroon umano ng komosyon ang biktima at  misis ng suspek.

"Yung isang table parang naghanap sila ng lugaw, ang pinag-umpisahan simple lang, parang asaran. Parang nasabihan ng mukhang lugaw yung isa," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jesus Lintag, hepe ng San Juan Municipal Police Station. 

Ayon pa sa pulisya, tinawagan umano ng babae ang kaniyang mister na suspek, na kaagad namang sumugod dala ang baril.

Nahuli-cam ang pagbaril ng suspek sa biktima na nadaplisan ng bala sa braso at likod, at dinala sa ospital.

Magkasama umanong umalis sa lugar ang babae at ang suspek, pati ang kanilang mga kasama.

May nakita umanong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng insidente.

Nagpagaling pa sa biktima sa ospital, habang pinaghahanap naman ang suspek.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag pamilya at biktima at ang suspek, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News