Inilabas na ng pulisya ang composite sketch ng isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa police chief ng San Miguel, Bulacan. Nangyari ang krimen nang tugisin ng biktima ang mga suspek sa sangkot sa insidente ng nakawan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, nasawi si Police Lieutenant Marlon Serna, matapos siyang tamaan ng bala sa ulo nang makaengkuwentro ang mga salarin sa bayan ng San Ildefonso.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nakatanggap ng sumbong ang San Miguel Police tungkol sa nangyaring nakawan sa Barangay San Juan.

Nagsagawa ng follow-up operation at imbestigasyon ang San Miguel Police, sa pangunguna mismo ni Serna.

Hanggang sa makasalubong umano ni Serna ang dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo sa Mangga, San Ildefonso, na nagresulta sa engkuwentro na ikinasawi ng biktima.

"Natiyempuhan po nila itong mga suspek na lulan nitong motorsiklo na nagpi-fit sa description ng mga suspek. Pagkakita ng hepe roon sa mga suspek ay kaagad-agad siyang bumaba ng sasakyan at nakipagputukan siya rito sa mga suspek," ayon kay Police Colonel Jen Fajardo, PNP spokesperson.

Bumuo na ng special investigation task group ang Police Regional Office 3 para tumutok sa imbestigasyon at hanapin ang mga salarin.

Naglabas na ng artist sketch ng isa sa mga suspek, at umabot na sa P1.2 milyon ang nakalaang pabuya sa makapagtuturo sa mga salarin.

Samantala, naiuwi na sa Sta. Rosa, Nueva Ecija ang mga labi ni Serna. --FRJ, GMA Integrated News