Tatlong oras na binihag ng isang lalaki habang may nakatutok na patalim ang isang senior citizen na babae sa isang ospital sa Pagadian City.
Sa ulat ni Cyril Chavez ng Regional TV One Mindanao sa GMA News Saksi nitong Biyernes, makikita sa video ang suspek na armado ng patalim habang hawak ang biktima sa Zamboanga Del Sur Medical Center.
Pareho umanong may binabantayan na pasyente ang dalawa sa ospital.
Matapos ang tatlong oras na negosasyon, ligtas na binitiwan ng suspek ang biktima nang dumating ang kaniyang pinsan at doon na rin inagaw ng mga awtoridad ang hawak niyang patalim.
Nagbabantay umano ang suspek sa kaniyang tiyuhin sa ospital. Sa negosasyon, ipinatawag nito ang kaniyang pinsan para mapalitan siya sa pagbabantay.
Sa imbestigasyon, sinabi ng mga awtoridad na posibleng nakararanas ng depresiyon ang suspek, na mahaharap sa reklamong serious illegal detention. —FRJ, GMA Integrated News
Kung kailangan ng kausap o may kakilala na kailangan ng makakausap, makipag-ugnayan sa National Center for Mental Health sa kanilang hotlines: +63917 899-USAP (8727) / +632 79898727; Philippine Suicide Hotline is 896-9191 or 0917-854- 9191; Hopeline: (02) 804-4673; 0917-5584673