Natagpuang patay ang isang 78-taong-gulang na ama sa Cavite na inakala noong una na aksidenteng nabagok ang ulo matapos atakihin ng sakit. Ngunit nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, lumitaw na sadya umano itong pinatay ng sarili niyang anak.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA New “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing inakala ng mga kaanak na naaksidente ang biktimang si Juanito Carcedo, farm owner, sa bahay ng kaniyang anak na si Joseph Carcedo sa Alfonso, Cavite nitong Huwebes.
Ngunit lumitaw sa resulta ng pagsusuri ng medico legal sa labi ng biktima na apat na beses na pinalo ng matigas na bagay sa ulo at batok si Juanito.
Nang bumalik ang mga pulis sa bahay ni Joseph, doon na nakumpirma na may nangyaring krimen sa pamilya.
“Nung hinarap na namin yung palakol na nakita sa bahay niya katulong ang kaniyang kapatid, sa harap ng kaniyang mga kapatid umamin siya ang pumalo ng apat na beses sa kaniyang ama,” ayon kay Alfonso, Cavite Police Chief, Police Major Rommel Dimaala.
Sinabi naman ng suspek na hindi niya sinasadya ang nangyari. Hindi pa malinaw kung bakit nito pinatay ang kaniyang ama pero sinabi niyang may nagbubulong sa kaniya na gawin ang krimen.
Bukod sa palakol, natagpuan din sa bahay ni Joseph ang kaniyang short na may tilamsik ng dugo.
“Hindi nga po namin alam kung bakit niya 'yon nagawa sa tatay namin. Napakabait po ng aking kapatid na yan,” anang kapatid ng suspek.
Ayon kay Dimaala, posibleng problema sa pera ang ugat kaya pinatay ng suspek sa biktima.
“May problema ito sa salapi. Allegedly may pera ang kaniyang ama na hindi niya maipaliwanag kung saan napunta,” sabi ni Dimaala. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News