Isang 64-anyos na babae na naglalakad lang, at isang motorcycle rider ang nahulog mula sa Soot Bridge, La Paz, Abra. Dalawang sugatan pa ang nanatili naman sa ibabaw ng tulay.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naglalakad sa gilid ng tulay ang biktimang si Carlina Vizcara, nang mabangga siya ng isang tricycle, at nahulog.
Umiwas naman sa nakaaksidenteng tricycle ang nakasunod na motorsiklo na minamaneho ni Mark Almazan, na sakay ang 14-anyos na kapatid.
Pero sa pag-iwas umano ni Almazan sa tricycle, nasalpok naman nito ang nakasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Paul Quinto.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon si Quinto at nahulog din mula sa tulay.
Pawang nagpapagaling ang mga biktima.
Samantala, dalawang lalaking na sakay ng motorsiklo ang nasawi sa Tuba, Benguet nang bumangga sila sa kasalubong na truck.
Nakuhanan sa dashcam ng isang sasakyan ang nangyaring trahediya sa bahagi ng Marcos Highway sa Tuba.
Isinugod sa ospital ang dalawang lalaki pero idineklarang dead on arrival.
Sa Bantay, Ilocos Sur, isang babaeng tumatawid ang sugatan matapos siyang salpukin ng humaharurot na motorsiklo.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng national highway, makikita na malapit nang makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada ang biktima nang salpukin siya ng motorsiklo.
Nagpapagaling pa sa ospital ang babae dahil sa tinamong pinsala sa katawan.--FRJ, GMA Integrated News