Naging pahirapan sa mga residente at mga mag-aaral ang pagtawid sa isang hanging foot bridge sa Antequera sa Bohol na sinira ng malakas na agos ng tubig sa ilog dahil sa mga pag-ulan.
Sa ulat ni Nikko Serreno sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing bumigay ang hanging bridge nitong nakaraang linggo.
Sa video, makikita ang ilang estudyante na residente ng Barangay Santo Rosario, na maingat na tumatawid sa nasirang tulay upang makarating sa Busao National High School, na nasa kabilang ibayo na sakop ng bayan ng Maribojoc.
Ini-upload ng isang residente ang video sa social media upang maiparating sa mga lokal na opisyal ang sitwasyon sa lugar.
Nakarating naman kay Konsehal Johnny Sniper Coquilla ng Antequera, Bohol, ang nangyari at sinabing shortcut ang hanging bridge na ginagamit ng mga residente tulad ng mga estudyante na papasok sa paaralan.
Ayon sa ulat, umaksyon na ang lokal na pamahalaan at sinimulan nang ayusin ang tulay.
Samantala, sa inanunsyo ng PAGASA nitong Martes, na magdudulot pa rin ng pag-ulan sa iba't ibang parte ng bansa ang Amihan.
Asahan umano ang makulimlim na may kasamang pag-ulan sa bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur.
Makararanas din ng maulap na papawirin na may bahagyang pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Ang Visayas at Mindanao, makararanas ng "partly cloudy to cloudy skies with isolated rain showers or thunderstorms due to localized thunderstorms."
Nagbabala ang PAGASA laban sa flash floods at landslides sa mga apektadong lugar dahil sa pag-ulan.—FRJ, GMA Integrated News