Nabigla ang ilang nakatayo sa labas ng isang mall sa Iloilo City matapos bumagsak ang dalawang motorsiklo mula sa second floor parking area.

Ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, lumalabas sa imbestigasyon na nabangga ng isang SUV ang dalawang motorsiklo kaya nahulog ang mga ito.

Silinyador daw kasi ang naapakan ng driver ng SUV habang nagpa-park imbes na brake.

Bukod sa dalawang nahulog na motorsiklo, may dalawa pang motorsiklo na tinamaan din ng SUV. Isang SUV na naka-park sa baba naman ang nasira dahil sa insidente.

Wala namang nasaktan sa insidente, at nakatakda nang mag-usap ang SUV driver at mga may-ari ng mga nasirang sasakyan.  —KBK, GMA Integrated News