Ikinagulat ng ilang residente nang makita ang walong manok na patay na at pawang walang lamang-loob sa Balasan, Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nakita ang mga manok sa labas ng mga kulungan nito sa Barangay Salvacion.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya pero nakatanggap sila ng impormasyon na may nakita umanong mga aso na may kinakain naman na itik.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng ang naturang mga aso rin ang umatake sa mga namatay na manok.
Ayon sa provincial veterinarian office, wala pa silang natatanggap na impormasyon mula sa municipal agricultural office, kaugnay sa nangyaring insidente.
Ngunit kung pagbabasehan umano ang mga larawan at video sa nangyari sa mga manok, posibleng isang uri ng hayop ang nasa likod ng pag-atake.
"Ang suspetsa natin carnivorus animals. Either ang tinatawag natin na miro or posibleng may aso doon na kumakain ng manok. Usually kung titingnan mo ang mga hayop sa wild, mga predator sila at ang primary na kinakain nila ay internal organs lang talaga," paliwanag ni Dr. Darel Tabuada, Iloilo Provincial Veterinarian.--FRJ, GMA Integrated News