Trahediya ang sinapit ng isang mag-asawa na nakatayo lang sa harapan ng isang tindahan na nasa gilid ng kalsada sa Nueva Vizcaya, nang tumagilid sa kanilang tapat ang isang truck at madaganan sila ng karga nitong sako-sako ng mga pataba o abono.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Frederick del Mundo, 54-anyos, at asawa niyang si Gina, 55, ng Purok Dos Barangay Boni South sa bayan ng Aritao.

"Sa curved portion kasi yung [kalsada] hindi na niya nakontrol kaya nagkaroon ng pagkatumba ng kaniyang mga laman yung fertilizer. "Yun na rin ang gumagan sa mga bystander na tatlo," ayon kay Police Captain Roger Visitacion, hepe ng Aritao Police Station.

Bago tumagilid ang truck, mayroon na itong unang nabangga na isang pickup-truck kung saan isang sakay ang nasugatan.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima," ayon sa ulat.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck na mahaharap sa patong-patong na reklamo.--FRJ, GMA Integrated News