Patung-patong na umano ang problema ng mga magsasaka sa Occidental Mindoro sa pagtatanim nila ng sibuyas.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nabubulok ang mga sibuyas dahil sa peste, masamang panahon, at kakulangan sa cold storage facility.
Pasakit din umano sa mga magsasaka ang mababang bentahan ng sibuyas, ayon sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.
Aniya, buwan ng pagtatanim umano ngayon, ngunit para sa ilan ramdam na raw ng mga magsasaka agad ang pagkalugi dahil nasa P8 hanggang P10 kada kilo lamang ang bentahan ng kanilang sibuyas.
Maliit lang daw ang kita pero malaking hamon ang pagtatanim at pag-aani.
"Gawa ngayon yung abuno sobrang mahal tapos yung mga pa-spray namin na gamit talagang durog kami sa mga presyo. Tapos, sa ani babaratin lang kami ... wala na kaming kikitain," pahayag ng magsasakang si Mechael Salmorin.
Noong nakaraang taon umano, sa tatlong ektaryang tinamnan nila ng sibuyas, isang ektarya lamang ang kanilang naani dahil sa peste.
Problema din umano nila ngayon ang masamang panahon na nakasisira sa mga tanim na sibuyas. Dagdag pa umano dito ang kakulangan sa storage facility.
Hinihiling ng onion farmers ngayon ang tulong ng pamahalaan para makabawi sila sa pagkalugi.
"Taon-taon na lang na puro bagsak ... yung utang namin hindi na nababayaran," dagdag ni Salmorin.
Ayon sa ulat, nag-inspeksyon ang mga tauhan ng Plant Quarrantine Division (PQD) ng Region 4B sa mga cold storage facility upang maseguro ang kalidadad at kapasidad ng mga ito para sa aanihing sibuyas ng mga magsasaka.
Ayon sa pamunuan ng PQD, may mangilan-ngilan na umanong nagpapa-reserve ng slots sa kanila, pero pagbibigyan pa rin nila ang mga maliliit na magsasaka kung kakayanin pa ng storage facility.
Dagdag pa ng ulat, ang bagong tayong cold storage facility ng Department of Agriculture (DA) sa Barangay Mapaya, San Jose, Occidental Mindoro ay hindi pa tiyak kung kailan magagamit dahil hindi pa umano napag-uusapan ang mga polisiya sa paggamit ng pasilidad.
Balak pa umano ng DA na magtayo ng karagdagang cold storage facility. —LBG, GMA Integrated News