Sugatan ang pitong katao matapos mabanggaan ang limang sasakyan sa Angeles City, Pampanga. Ang ugat umano ng sakuna, ang SUV na nakatulog ang driver.
Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA Regional TV “One Central Luzon” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang pagsalpok ng isang SUV sa isa ring SUV na nasa kabilang linya ng kalsada sa Barangay Pulung Cacutud.
Nadamay narin sa insidente ang mga nakasunod na isang tricycle at dalawang motorsiklo
“Sa initial naming, ‘yung Hyundai nag-swerve ito doon sa kabilang lane papuntang Magalang. Noong nag-swerve [ito], na-enroach siya ng linya ng kabila tatamaan niya ‘yung Innova na papunta sa Angeles. So, pagbangga niya doon sa Innova, ‘yung tricycle naman bumangga sa likod ng Innova at sa motor,” saad ni Angeles City Police Station investigator Police Staff Sergeant Jeric Jimenez.
Sugatan ang tatlong pasahero ng nabanggang SUV, pasahero ng tricycle, angkas ng motorsiklo at dalawang drayber ng naturang mga SUV.
Agad na dinala sa ospital ang mga sugatang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napagalaman na nakatulog ang drayber ng gumewang na SUV kaya nangyari ang insidente.
“Nag-set sila ng schedule na magkikita sila rito. So, nakikipag-cooperate naman ang bawat isa na willing silang ayusin na lang ang damages at medical expenses ng mga nasaktan,” ani Jimenez. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News