Isinagawa ang forced evacuation at rescue operations sa ilang barangay sa Zamboanga City matapos ang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan na dala ng low pressure area (LPA).

Sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing naitala ang pagbaha sa mga kabahayan malapit sa Tumaga River sa Barangay Tumaga, Zamboanga City.

Ilang bahay din ang inanod ng tubig, pati na ang kanilang mga alagang hayop.

Pinasok din ng baha ang tanggapan ng City Agriculture at Regional Animal Disease at Diagnostic Laboratory ng Department of Agriculture.

Agad namang nagsagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa mga stranded na residente na naninirahan sa tabing-ilog.

Dinala ang mga inilakas sa covered court ng isang eskwelahan at binigyan ng pagkain ng barangay at lokal na pamahalaan.

Sa inisyal na tala ng City Disaster Risk Reduction and Management, 15 barangay ang apektado ng pagbaha habang patuloy na inaalam ang bilang ng mga apektadong tao.

Dahil sa pagbaha, kanselado ang trabaho at klase sa lahat ng antas sa lungsod.

Kanselado rin ang mga biyahe ng sasakyang pandagat sa Fort of Zamboanga tulad ng papuntang Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.

Nagpatupad din ng kanselasyon ng mga biyahe sa Zamboanga International Airport (ZIA). Nitong Miyerkoles ng umaga isinara ang runaway dahil sa malawakang pagbaha.

“Approximately 11 flights. ‘Yung corresponding airlines naka [feedback] na din sila sa Manila kung puwede bukas magkaroon ng recovery flights para ma-accommodate ‘yung mga canceled flights ngayon,” saad ni ZIA CAAP officer-in-charge Engr. Jaime Vicente Santos.

Samantala, magsasagawa raw ng rapid damage assessment ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong barangay dahil karamihan sa mga ito ay nasalanta na ng nagdaang pagbaha kamakailan.

Isabela City, Basilan

Sinuspindi rin ang klase sa lahat ng antas dahil sa pagbaha sa Isabela City, Basilan. Sa Barangay Tabuk, napasok ng baha ang mga kabahayan pati ang barangay hall.

Sinuspinde naman ng PCG Southern Mindanao ang biyahe ng sasakyang pandagat sa Soccsksargen Region.

Wala ring biyahe patungo sa bayan mga bayan ng Jose Abad Santos at General Santos City, Davao Occidental at pabalik.

Inabisuhan din ng Coast Guard ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil sa masamang panahon. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News