Patay ang isang isang 22-anyos na trabahador matapos maatrasan ng isang forklift sa kaniyang pinagtatrabahuhang kompanya sa Bauan, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog” nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Emmanuel John Dinoy.
Malubhang tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Dinoy, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, hindi raw napansin ng drayber ng forklift ang biktima habang tinitingnan nito ang mga inilalagay na kargamento sa barko.
“So hindi niya napansin. Ito pong drayber huli nang nasabihan ng kaniyang kasama na huminto saka dahil maingay ang kaniyang minamanehong forklift hindi niya na narinig na nakasaga niya,” saad ni Bauan Police Station chief Police Major Allan De Castro.
Kinilala ang 54-anyos na drayber ng forklift na si Benjamin Arbelo, na tubong Puerto Princesa, Palawan.
Kasalukuyang nakapiit si Arbelo sa Custodial Facility ng Bauan Police Station.
Aniya, hindi niya raw napansin sa kaniyang side mirror na naroon pala ang biktima.
“Nakita ko siya sa side mirror ko wala naman tao. ‘Yun pala nandoon siya siguro sa likod. Kapag atras ko, eh may wang-wang naman ang forklift ko, nagsigaw ‘yung isa, hinto-hinto. Huminto ako, sabi niya emergency. Nagtaka ako bakit emergency pagbaba ako, ‘yun na, may tao na sa ilalim,” paliwanag pa niya.
Nahaharap si Arbelo sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Samantala, naiuwi na sa Cabuyao, Laguna ang mga labi ni Dinoy.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at pamunuan ng kompanyang pinapasukan nito ukol sa insidente. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News