Nag-alok ang pulisya ng Davao City police ng P1 milyon pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng riding in tandem na bumaril at pumatay sa negosyante at modelong si Yvonette "Yvonne" Plaza. Kasabay nito, nagsalita na ang isang mataas na opisyal ng militar na idinadawit sa kaso sa social media.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, mismong si Police Colonel Alberto Lupaz, City Director, DCPO, ang nag-alok ng P1 milyon pabuya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo na malapitang bumaril kay Plaza sa labas ng bahay ng biktima noong nakaraang linggo.
Nakasuot ng full faced-helmet ang rider at ang backrider nitong gunman na nakita sa CCTV camera nang barilin si Plaza.
Ayon sa pulisya, katamtaman ang pangangatawan ng dalawa, at tinatayang may taas na 5'4" hanggang 5'6."
Kasama umano sa inaalam ng binuong Special Investigation Task Group ay kung may taong nasa likod o nag-utos na itumba ang biktima.
Ayon kay Lupaz, may persons of interest na sila sa kaso pero hindi pa nila maibigay ang detalye tungkol dito dahil patuloy pa ang pangangalap nila ng ebidensiya.
Kasama rin sa sinisilip ng pulisya ang isang post sa social media na tila kakilala o kamag-anak ng biktima.
Inaalam din nila ang nangyaring insidente noon tungkol sa isang tao na kinasuhan umano ni Plaza.
Nakiusap naman si Police Major Atty. Eudisan Gultiano, spokesperson ng Police Regional Office 11, sa publiko na huwag kaagad maghusga batay lamang sa mga nababasang post sa social media.
Matapos paslangin si Plaza, may post din sa social media na nagdadawit sa pangalan ng isang "Jesus Durante," na isa umanong mataas na opisyal na nanakit sa biktima.
Sa hiwalay na ulat sa GMA News “24 Oras,” itinanggi ni Brigadier General Jesus Durante III, na may kinalaman siya sa pagkamatay Plaza, na isa umano niyang kaibigan.
“Yvonne was a friend. My name is being dragged based on an FB post made last April 2022 wherein I allegedly hurt her. She later retracted the post and issued a statement that I did not in any way harm her,” ani Durante.
“I am deeply saddened by her demise and condole with her family and friends. I, myself, demand justice for Yvonne,” sabi pa ng opisyal.
Pakay ng binuong task group na maresolba at matukoy ang mga suspek sa loob ng dalawang linggo.--FRJ, GMA Integrated News