Tatlo ang kumpirmadong nasawi--kabilang ang konduktor--nang sadya umanong ibangga ng driver ng pampasaherong bus ang nasabing sasakyan sa isang puno matapos na masabugan ito ng gulong at mawalan ng preno habang bumibiyahe sa bahagi ng La Union.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabing nangyari ang insidente kaninang 10:00 am sa Pugo, La Union.
Galing umano sa Baguio City at papuntang Cubao, Quezon City ang bus na lulan ang 44 katao, kabilang ang driver at konduktor ng bus.
Sa usapin na posibleng puno umano ang sakay ng bus, inihayag sa ulat na sinasabing 53 katao umano ang kapasidad nito.
Batay umano sa pahayag ng driver ng bus, ilang pasahero, at maging ng pulisya, sumabog ang gulong sa likod ng bus, at nagkaroon ng pag-usok.
Nagpatuloy pa umano sa pagtakbo ang bus at maraming pasahero ang pumunta sa unahang bahagi ng sasakyan dahil sa takot.
Ilang beses umanong tinangga ng driver na itigil ang bus pero hindi na kumagat ang preno nito. Kaya naman napilitin na ang driver na ibangga na lang sa isang puno ang sasakyan.
Pero sa lakas pa rin ng pagkakabangga, dalawang pasahero ang nasawi, pati na ang konduktor.
Limang pasahero pa na nasaktan ang dinala sa ospital.
Nasa kostudiya ng pulisya ang driver habang patuloy ang imbestigasyon.
Nakikipag-ugnayan naman umano ang pamunuan ng bus sa pulisya, sa mga apektadong pasahero at maging sa mga kaanak ng nasawi. --FRJ, GMA Integrated News