Patay ang isang 33-anyos na lalaki at hindi na umabot sa pagpapalit ng taon matapos siyang barilin sa kaniyang bakuran sa San Andres, Quezon. Ang biktima, tinukoy umano ang suspek bago malagutan ng hininga.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Junilo Mango, magsasaka, at residente ng Barangay Pansoy.
Ayon sa pulisya, Sabado ng gabi nang pagbabarilin ang biktima matapos na lumabas ng kaniyang bahay para kumuha sana ng tanglad.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktima na naisugod sa ospital at doon pumanaw kinalaunan.
Pero bago umano tuluyang malagutan ng hininga, naibulong daw ng biktima sa mga awtoridad ang pangalan ng suspek na kapitbahay lang nila.
"Ang ating imbestigador naman paulit-ulit na tinatanong [ang biktima] kung sino yung suspek at ito naman ay pinangalanan 'tong suspek natin," ayon kay Police Captain Arnold Conciso, hepe ng San Andres Police Station.
May dati na raw na may hidwaan ang suspek at biktima, batay sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng motibo umano sa krimen.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at suspek, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News