Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya para malutas ang nangyaring pagpatay sa negosyante at modelong si Yvonne o Yvonette Plaza. Malapitang binaril ng riding in tandem ang biktima sa labas ng tinutuluyan niyang bahay sa Davao City noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Lunes, ipinakita ang screenshot sa nangyaring krimen noong gabi ng Disyembre 28, 2022 sa labas ng tinutuluyang bahay ng 38-anyos na biktima sa Green Meadow Subdivision sa Barangay Sto. Niño.
Kabababa lang umano noon ng biktima sa kaniyang SUV at pumunta sa gate nang dumating ang riding in tandem. Bumaba ang angkas at malapitang binaril ang biktima na kaagad na binawian ng buhay.
READ: Negosyanteng babae, patay nang barilin sa tapat ng tinutuluyang bahay sa Davao City
Nakatakas ang mga salarin na parehong naka-full-faced helmet.
Ayon kay Police Colonel Alberto Lupaz, Director, Davao City Police Office, mayroon na silang tinitingnan na persons of interest pero hindi pa sila puwedeng magbigay ng detalye.
Patuloy umano ang isinasagawa nilang malalim na imbestigasyon sa kaso at nangangalap ng mga testigo at ebidensiya.
"Kung sino man ang matumbok nito talagang iaano natin as possible suspect," ayon sa opisyal.
Ayon sa ulat, kabilang sa mga motibo na sinusuri ng mga imbestigador ay personal na away, trabaho o negosyo, at pagnanakaw.
Inaalam din ng mga imbestigador kung may basehan ang lumalabas sa social media tungkol sa isang mataas na opisyal na iniuugnay sa biktima na dati umano nitong karelasyon.
Sinisilip din ang komento ng netizen sa social media post tungkol naman sa away-trapiko.
Ayon kay Police Major Eudisan Gultiano, tagapagsalita ng Police Regional Office 11, mayroon dalawang linggo ang binuong SITG upang matukoy ang mga suspek sa krimen at masampahan ng kaso.
"Na-consider na natin siyang sensational [case]. Nagkaroon na ng public scrutiny, makikita natin 'yan sa mga social media posting. Yung iba, marami nang speculations," ani Gultiano.
"The SITG is given up to two weeks to identify or to file the appropriate charges against the suspects," patuloy niya.
Nanawagan ang kapulisan sa sino mang may nalalaman sa nangyaring krimen na ipagbigay-alam sa kanila para sa madaliang ikalulutas ng kaso.--FRJ, GMA Integrated News