Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas ang isang government employee dahil umano sa pagbebenta ng mga paputok online ng walang permit.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog” nitong Miyerkoles, nadakip ang suspek na si Pedro, hindi niya tunay na pangalan, sa isang entrapment operation sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ayon sa ulat, inaabot ng suspek sa isang undercover pulis ang isang papel na may lamang paputok na sawa.
Pero bago pa man magkaabutan ng bayad, nagpakilala na ito bilang pulis.
“Ang sinasabi lang nila ay authorized silang magbenta doon sa pinagkukunan nila from Bulacan pero noong hinahanap naman namin itong authority to sell from the authorized seller sa Bulacan ay wala naman po silang maipakita,” saad ni CIDG Batangas chief Police Major Jey Sayno.
Sabi ng awtoridad, nangyayari raw ang bentahan ng paputok online at nag-aalok ang suspek ng diskwento sa kanyang mga parokyano kung hindi kakagat sa unang alok na presyo.
Lubha ring peligroso ang pinaglalagyan ng paputok, dagdag pa ng pulisya.
“Siyempre ‘yung kanilang mode of transportation pa po delikado kasi ‘yung mga fireworks po isinakay lang po nila sa motor. Eh sa dami po nu’n hindi po natin masabi kung bigla pong magliyab ‘yun nakadisgrasya pa sila ng ibang tao,” sambit ni Sayno.
Bukod sa limang piraso ng 1,000 rounds ng asawa, kumpiskado rin ang mga sparkling fountains na aabot ang halaga sa P8,000.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices ang suspek.
Pinagsisisihan daw niya ang pinasok na negosyo at iginiit na sa mga kaibigan at kakilala lang siya nagaalok ng mga paputok.
“Lesson po sa akin na dapat po kumuha muna ng sariling permit bago po magbenta ng paputok po,” aniya pa. —Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News