Karumal-dumal ang sinapit ng mag-ina sa Hagonoy, Bulacan sa mismong araw ng Pasko matapos silang pagsasaksakin sa loob ng sarili nilang bahay. Ang suspek, kinakasama raw ng isa sa mga biktima.
Sa eksklusibong ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Jeng Lorenzo at kanyang nanay na si Teresita Lorenzo Navarro.
Nagtamo si Jeng ng mga saksak sa braso at tiyan habang si Teresita ay may labing-apat na saksak sa likod.
Kinilala ang suspek na kinakasama ni Jeng na si Boyet Panzo.
Ayon kay Emerita Lorenzo, kaanak ng biktima, December 21 daw unang sumugod sa bahay ang suspek.
“Nakikipaghiwalay po kasi ang anak niya kasi po tuwing malalasing sinasaktan po ‘yung asawa. Nagwala po sa harapan ng bahay namin ‘yung lalaki na ‘yun. Pinagbabantaan po kami kasi gusto niya pong makausap ‘yung asawa niya,” saad ni Emerita.
“Ayaw po namin palapitin kasi baka masaktan. Eh pinagbantaan niya po kaming lahat na sabi papatayin daw po kaming lahat,” dagdag pa niya.
Hanggang sa gabi ng Pasko, bumalik sa bahay ng mga biktima si Panzo.
Dahil naka-lock ang gate umakyat daw ito sa bubong at sinira ang bintana para makapasok.
“Nu’ng nakapasok po siya ang una po niyang hindutan iyong asawa niya. Tapos nu’ng mahawakan po siya ng lalaki, ‘yung asawa niya, nilabas na ho ‘yung kutsilyo,” salaysay ni Emerita.
“Tapos ‘yung paglabas niya po ng kutsilyo, sinaksak niya po ang pamangkin ko. Siyempre po nandu’n ang ina, hinarang ng ina, inaawat. Eh pag-awat po ng kapatid ko, sinaksak din po niya,” aniya pa.
Samantala, hindi nagawang makatakas ng suspek dahil pinaligiran ng mga kapitbahay ang bahay ng mga biktima.
Pagdating ng mga pulis, nagkunwari pa raw itong patay.
“Nagpahid pa siya ng dugo… hindi natin alam kung ano ang kanyang discretion doon. Siguro may attempt siya to confuse the police officers,” ayon kay Hagonoy Police chief Police Major Neil Cruzado.
Pero nang pulsuhan at makumpirmang buhay si Panzo, agad siyang inaresto ng mga awtoridad.
Kapag labas sa eskinita, kinuyog siya ng taumbayan kaya bugbog sarado siya.
Aminado naman ang suspek na lasi siya nang gawin ang krimen.
“Hindi na po nila pinapakita ang mag-ina ko. ‘yung anak ko, ayaw na po nilang ipakita sa akin. Kaya du’n po depress na depress na po ako hindi na po ako makakain, makatulog [at] wala na po ako sa sarili,” depensa ni Panzo.
“Sana po mapatawad po nila ako sa kasalanang nagawa ko lalong-lalo na sa anak ko, sana po patawarin po niya ang papa niya sa lahat-lahat ng kasalanan ng nagawa ko,” dagdag pa niya.
Nahaharap ang suspek sa dalawang kaso ng murder at frustrated parricide dahil nasugatan din niya ang 10-taong-gulang na anak na umawat, ayon pa sa ulat. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News