ATIMONAN, Quezon - Dalawa ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring karambola ng apat na truck sa New Diversion Road, Sta. Catalina, Atimonan, Quezon dakong 7:55 nitong Lunes ng gabi.

Tumagal ng apat na oras bago nakuha ang labi ng isa sa mga biktima.

Naging pahirapan ang rescue at retrieval operation dahil naipit ng kumalas na makina ng truck ang biktima.

Hindi naman bababa sa lima ang sugatan sa aksidente na isinugod sa Doña Martha Memorial Hospital sa bayan ng Atimonan.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO Atimonan, patungong Maynila ang tatlong truck habang ang isa naman ay patungong Bicol.

Nagkalat sa highway ang mga kargang sigarilyo at soft drinks ng mga sasakyang nasangkot sa karambola.

Wasak na wasak ang unahan ng mga truck sa tindi ng salpukan.

Base sa paunang imbestigasyon, nawalan ng preno ang isa sa apat na truck na naging sanhi ng karambola.

Accident-prone area umano ang pinangyarihan ng karambola.

Sa mga oras na ito ay hinihintay ng mga pulis ang may-ari mga sasakyang sangkot sa aksidente. —BAP/KG, GMA Integrated News