Umabot sa walo ang nasawi, kasama ang isang menor de edad, matapos tangayin ng rumaragasang baha ang sinasakyan nilang jeep sa Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal nitong Sabado ng gabi, ayon sa Tanay Municipal Police Station.
Nasawi ang pitong senior citizens at isang 5-taong-gulang na bata sa aksidente, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB ngayong Linggo.
LOOK: Dinala sa covered court ng Brgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal ang mga namatay mula sa inanod na jeep sa isang ilog. | via @luisitosantos03
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 11, 2022
(????: Tanay MDRRMO) pic.twitter.com/aXSqtX0xIX
Kinilala ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang mga biktima na sina Teresita Quinto, Myller Kit Delos Reyes, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen Dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera, Deadora Buera.
Ayon sa Rizal PPO, kasalukuyang pinaghahanap ang drayber ng jeep na kinilalang si Jun Pio Domayik Jr. nang hindi nila naabutan sa pinangyarihan ng aksidente.
Sugatan din at ginagamot sa ospital ang isang tao, na kinilalang asawa ng jeepney driver.
Sinabi ni Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr. na galing sa town proper ang jeep at may sakay na 25 pasahero nang mangyari ang aksidente dakong 8:15 p.m.
Ayon sa ulat, tumatawid ang naturang jeep sa isa sa 15 ilog sa Tanay nang magka-aberya at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.
LOOK: Jeepney, inanod ng rumaragasang ilog sa Brgy. Sta. Ines, sa Tanay, Rizal; 7 indibidwal, napaulat na nasawi, ayon sa Tanay Municipal Police Station.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 10, 2022
(????: POy PHitz/Facebook) pic.twitter.com/bdIRPxwjBy
“According sa isa sa mga witnesses natin…nabalahaw daw ‘yung kanilang sasakyan doon sa huling ilog na dapat sana, isang ilog na lang na malapit sa kanilang barangay,” saad ni Matienzo sa panayam sa Super Radyo dzBB.
“Ang problema, nabalahaw sila. Nagpabatak sila sa isang kapwa jeep but then ang nangyari, may biglang flash flood na dumating. So itong binabatak sana ay tumagilid at ‘yun ang dahilan matangay o magka-injury ang mga tao,” dagdag pa niya.
Dinala sa covered court ng Barangay Sta. Ines ang mga bangkay ng biktima.
Bago ang aksidente, sinabi rin ni Matienzo na nagtungo sa bayan ang mga biktima para humingi ng tulong pinansyal sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang sabi raw po kumuha o nag-withdraw [sa] ATM dahil parang may ayuda raw po from DSWD," ani Matienzo sa ulat sa “24 Oras Weekend.”
"Sila po as senior citizens pumila sila sa Landbank but then ginabi na po, supposed to be at 3 p.m. dapat nakaangat na raw po ang biyahe pabalik na po ng Barangay Sta. Ines pero inantay pa raw po ang senior citizens para makapag-withdraw and then by 6 p.m. saka pa lang sila nakaalis ng bayan pabalik ng barangay nila.”
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Tanay, ang mga kapitan ng barangay ang nag-aayos ng mga biyahe sa kanilang mga nasasakupan.
Pinapadalhan raw ng pamahalaan ang mga ito ng abiso lalo kung maulan at pinapayuhan na hanggat maaari iwasan ang pagtawid sa ilog sa gabi.
Samantala, nangako naman ang lokal na pamahalaan ng tulong sa mga naulila ng mga nasawi sa aksidente. —Mel Matthew Doctor/KG, GMA Integrated News