Nasawi ang isang 20-anyos na rider sa Calaca City, Batangas matapos siyang umiwas sa barikada at sumalpok sa truck.

Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Emil Alvarez Talosig.

Nangyari ang aksidente sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Puting Bato West.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, papasok daw sa paaralan si Talosig angkas ang kanyang kaklase.

Binabagtas ng parehong sasakyan ang daan papuntang Lemery, Batangas. Nasa inner lane and truck habang nasa outer lane naman ang motorsiklo.

“Sa lugar pong pinangyarihan ay mayroon pong barricade na nakalagay. ‘Yun daw po ay parang silbing sangga o harang du’n sa mga batang bumababa ng service kapag pumapasok sa school,” ayon kay Calaca City Police Station municipal executive senior police officer Police Executive Master Sergeant Froilan Obadilla.

“Hindi po napansin ng motor ang barricade na ‘yun hanggang sa sumingit sa pagitan ng barricade at truck kaya po du’n nagkaroon ng contact,” aniya pa.

Sinabi ng pulisya na swerteng nakatalon ang angkas ni Talosig na nagtamo ng sugat at bali sa kaliwang kamay na agad nadala sa pagamutan.

Sa kasamaang palad, hindi na umabot ng buhay ang biktima at idineklarang dead on arrival ng doktor.

Lubhang napinsala umano ang ulo ni Talosig na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Wasak na wasak rin ang kanyang helmet, ayon pa sa ulat.

Samantala, nagkausap na rin umano ang drayber ng truck at pamilya ng nasawing rider.

Sinusubukan pang makukuhanan ng pahayag ang drayber ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injury. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News