Natagpuan ang bangkay ng isang sanggol na nakasilid pa raw sa isang plastic bag sa isang kanal sa Barangay Zone 9 Malued sa Dagupan City.
Sa ekslusibong ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing may umbilical cord pa ang sanggol nang makita ng mga residente pero wala na itong buhay.
Palaisipan sa mga residente kung sino ang nagtapon ng sanggol sa kanal.
Gayunman, nagsagawa na ang pamunuan ng barangay ng profiling sa mga buntis sa lugar.
Pero bago raw matagpuan ang sanggol, isang babae umano ang nakita nila na tila may sinusungkit sa kanal.
Pinuntahan ng GMA Regional TV One North Central Luzon ang tinuluyang bahay nang tinukoy na babae pero walang tao rito.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang responsable sa pagtatapon ng sanggol sa kanal.
“We are still looking at the possibility to look for the owner or mother ng nasabing infant. ‘Yung lifeless infant, malapit siya sa creek, hindi natin inaalis ‘yung anggulo na probably, it was washed away by the river,” ani Dagupan City Police Station chief Police Lieutenant Colonel Vicente Castor Jr. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News