Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group Batangas ang isang umano’y pekeng dentista na nag-o-operate raw sa lalawigan. Ang estilo raw ng operasyon ng suspek, mala-drive-thru.

Sa eksklusibong ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing huli sa aktong nagkakabit ng braces ang suspek na pinangalanang Nimfa sa loob ng isang sasakyan.

Makikita sa isang video ang police asset na nagpanggap na pasyente ng umano’y hindi lisensyadong dentista. May mga gamit pang dala ang suspek sa pagsukat sa gagawing braces.

Nang makakuha na ng tiyempo, agad nang nagpakilalang operatiba ang pulis para arestuhin ang suspek. 

Ayon sa mga awtoridad, ang dental procedure ng suspek ay mala-drive-thru dahil isinasagawa ito sa loob ng sasakyan sa isang parking lot sa Batangas City.

“Ang parokyano ng ating suspek ay within the province of Batangas. Nag-transact sila online na nakikipagkilala na kaya niya nga magkabit ng braces. So, maengganyo naman itong ating mga victims dahil mas mura at pupunta pa sa’yo,” ayon kay CIDG Batangas chief Police Major Jet Sayno.

Nakumpiska ang mga gamit ng suspek at mismong braces na ikakabit sana sa police asset.

Natunton ng CIDG Batangas ang suspek batay na rin sa impormasyon na ibinigay ng Philippine Dental Association (PDA).

Samantala, binalaan naman ang publiko na huwag tangkilikin ang mga mumurahin at illegal dental practice.

“Ang magiging parusa po nito ay P200,000 to P500,000 [fine] or pagkakakulong ng 2-5 years and pwede rin pong both penalties, meron pong bayad na pera at meron din pong pagkakakulong,” saad ni PDA Campaign Against Illegal Practice deputy chair Dr. Narisa Ragos.

Nagsisisi raw ang suspek sa pinasok na negosyo. Aniya pa, natututo lang umano siya sa panonood ng video online.

“Sana po ‘wag na nilang gawin ang mali kasi po ganito po yung mangyayari sa kanila,” giit niya.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 o Philippine Dental Act of 2007. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News