May matatawiran na ang tao sa San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon matapos masira ang tulay dito bunga ng pananalasa ng bagyong Paeng noong Oktubre.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing matagumpay na naikabit sa tulong ng Philippine Coast Guard ang floating bridge na inilagay sa tulay na nag-uugnay sa dalawang lalawigan.
Pinahintulutan na ng Coast Guard Batangas ang paggamit ng pansamantalang tulay makalipas ang apat na araw na pagbuo sa pontoon bridge.
READ: Tulay na nag-uugnay sa Quezon at Batangas, gumuho
Ang grupo ng mga tricycle driver nina Mang Gerardo Cortez mula sa bayan ng Sariaya ang mga unang dumaan sa tulay.
Siniguro naman ng Coast Guard ang maigting na pagbabantay sa mga residente at mga estudyanteng tatawid sa tulay. Papayagan ang sabay-sabay na pagtawid ng nasa 10 hanggang 20 mga residente.
Magagamit ng mga residente ang pontoon bridge magmula umaga hanggang 6 ng gabi.
Nagpaalala naman ang Coast Guard na pangalagaan ang tulay, at huwag maglalaro o maglalasing ang mga residente habang tumatawid.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News