Nasawi ang isang lalaki na nakasagutan umano ang mga vendor matapos siyang kuyugin sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Bam Alegre sa “Unang Balita” nitong Biyernes, mapapanood sa video ng isang concerned citizen ang pagkuyog ng grupo ng mga lalaki sa isang lalaki sa Parola Street sa Barangay San Juan.
Tila wala nang malay ang kinuyog na lalaki, habang nakatakas ang mga nambugbog.
Binigyan ng first aid ng rescue team ang biktima, pero idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
"Honestly medyo malala talaga 'yung injury na natamo niya, more on head injury, kasi meron kaming nakitang malaking bato doon sa gilid ng ulo niya. Then lacerated 'yung head part, tapos pingas na 'yung pinaka-tainga niya. Then nag-shallow pulse, pawala na 'yung pulso niya then nag-CPR na lang ang team. Na-revive naman pero by 5:30 ng umaga nawala rin," sabi ni Raylan Chavez ng Barangay San Juan Cainta Rescue.
Bukod dito, sinabi ng first responders na may nakita pa silang dalawang malaking bato sa tabi ng katawan ng biktima, na maaaring ginamit sa pananakit sa kaniya.
Naganap ang pambubugbog sa hilera ng mga pwesto ng tiangge noong bisperas ng pista sa Cainta.
Ayon sa mga saksi, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima, na nagtatrabaho sa ukay-ukay, at sa mga vendor.
Nai-turn over na ng rescue team ang mga video sa mga pulis para malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News