Arestado sa bisa ng warrant of arrest ang alkalde ng Pandi, Bulacan na si Enrico Roque dahil sa kasong panggagahasa. Dinakip din ang isang konsehal, at isang kawani ng munisipalidad.

Ayon sa Northern Police District (NPD), dinakip sina Roque, at dalawa pa niyang kasama sa isang waterpark sa Pandi sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng regional trial court mula sa Caloocan City.

Dalawang counts ng rape na walang inirekomendang piyansa ang kinakaharap ng kaso ng tatlo, na nakadetine sa NPD Custodial Facility.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang mga inaresto.

"This operation demonstrates the commitment of the Northern Police District to uphold justice, regardless of who is involved. We will continue to pursue our mandate to ensure the safety of our communities and hold accountable those who violate the law," ayon sa pahayag ni NPD officer-in-charge Police Colonel Josefino Ligan.

"Let this serve as a strong message that justice will be served and the rule of law will always prevail," dagdag niya. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News