Nasira ang isang bahagi ng kalsada sa Barangay Dela Paz, Batangas City nang bumagsak ito.
Sa video ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas na unang iniulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, makikita ang pagguho ng nasabing kalsada, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Itinuturong bunga ito ng paghuhukay para sa itatayong power plant sa lugar.
Ayon sa pagsusuri ng DPWH, nasira ang suporta sa ilalim ng kalsada.
Tumagos ang tubig mula sa dagat at nasira na ang foundation ng kalsada.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
Tumangging magbigay ng pahayag ang contractor at kinatawan ng private company ng nasabing proyekto.
Nakikipag-ugnayan na raw sila sa DPWH at sa local government unit para mapaayos ang kalsada.
Samantala, pinapadaan naman ang mga motorista sa alternate routes matapos ang insidente. —KG, GMA Integrated News