Nasawi ang isang 21-anyos na rider matapos umanong sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa metro ng tubig sa gilid ng kalsada sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Bryant Joshua Reyes, residente ng Barangay Lasip, Calasiao, Pangasinan.
Nakunan sa CCTV camera ang naturang aksidente, ayon pa sa ulat.
Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival.
“Mabilis kasi siya. So, na-overshoot niya [ang motorsiklo]. Hindi niya nailiko kaagad kaya nabangga niya ‘yung MAWAD water district meters du’n at saka ‘yun ang cause ng pagbagok ng katawan at saka ulo niya sa pavement,” saad ni Mangaldan Police Station operations officers Police Lieutenant Mc Arthur Ato.
Ayon sa pinsan niyang si Carlos Joshua Villanueva, pauwi na sana ang biktima na galing sa isang birthday party ng kanilang kaibigan nang mangyari ang aksidente.
“Sasamahan ko sana pauwi kaso nauna siya eh. Sabi ko sa kanya sabay tayong uuwi pero ang ginawa niya mas nauna talaga siya tapos hindi ko siya naabutan. Wala daw kasama si mommy niya,” ani Villanueva.
Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad na iwasan ang magmaneho habang nasa impluwensya ng alak upang makaiwas sa aksidente. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News