Patay sa pamamaril at pananaga sa loob ng dalawang magkalapit na bahay ang lima katao sa Lantapan, Bukidnon noong Sabado ng gabi. Ang mga salarin, nakatakas.

Batay sa report na nakarating sa Camp Crame mula sa Lantapan Municipal Police Station, nangyari ang krimen sa Sitio Kiabacat, Barangay Songco.

Anim na suspek na armado ng mga baril at itak ang pumasok umano sa bahay ng biktimang si Mael Lugnasan.

Sugatan si Mael at isang menor de edad pero nakatakas.

Hindi naman pinalad ang mga kasama niya sa bahay at napatay sina Rocky Cruz, 33-anyos; Rachel Cruz, 19-anyos; Winlove Sinto, 30-anyos.

Sunod na pinuntirya ng mga suspek ang katabing bahay at pinatay naman si Daniel Lugnasan.

Nitong Lunes ng madaling araw, sinabi ni Police Staff Sergeant Jeroen Pulido, na binawian na rin ng buhay ang menor de edad na kasama ni Mael na nakatakas.

Pinaghahanap pa rin ang anim na suspek sa krimen.

Kasama sa sinisiyasat ng mga awtoridad ang alitan sa lupa sa mga posibleng motibo sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA Integrated News

NOTE: Winasto sa ulat na ito ang naunang impormasyon na tatlo sa anim na mga suspek ang naaresto. Humihingi kami ng paumanhin sa pagkakamali.