Pinuproblema sa ngayon ng mga magsasaka sa Pangasinan ang pamemeste ng harabas sa kanilang mga tanim na mais.
Batay sa report ng GMA Regional TV One North Central Luzon, iniulat ng Unang Balita nitong Biyernes na umaatake sa mga taniman ng mais ang fall armyworms o harabas sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Ayon kay Nikko Sereno ng GMA regional news, problema ngayon ng libu-libong magsasaka sa Pangasinan kung paano mapigilan ang pagkalat ng pesteng harabas sa kanilang maisan.
Apektado na umano ng pamemeste ng harabas ang maghigit 30,000 na mga magsasaka sa Pangasinan.
Aabot na umano sa 10% ng mga maisan sa lalawigan ngayong taon ang sinalakay ng fall armyworm na pumapatay ng mga tanim na mais.
Dagdag ng ulat, mula pa nung magsimulang umatake ang harabas sa bansa noong 2019, tuloy-tuloy umano ang pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mapuksa ang peste sa maisan.
Target umano ng DA na maagang masolusyunan ang problema lalupa't isa sa pinakamalaking producer ng corn sa bansa ang Ilocos region.
Umaabot umano sa 4 hanggang 5 metric tons ng mais ang napo-produce ng rehiyon.
Patuloy umano ang pamamahagi ng DA sa mga magsasaka ng mais ng iba't ibang pest control upang mapuksa ang harabas. —LBG, GMA Integrated News