Nasa 45 katao ang inaresto sa Imus, Cavite na tumataya umano sa ilegal na karera ng mga kalapati. Ang karera, nakalagay pa raw sa online ang resulta.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, sinabing tinarget ng mga pulis nitong Linggo ang lugar na madalas dayuhin ng mga tumataya sa naturang ilegal na karera.
Walang gustong magsalita sa mga naaresto pero mahigit 300 na kalapati ang "nasagip" na nagkakahalaga raw ng hindi bababa sa P3,000 ang bawat isa.
Narekober rin ng mga awtoridad ang hindi bababa sa P35,000 taya at mga gambling paraphernalia.
“Ang Avian influenza na sinasabi, baka carrier ang mga pigeon na ‘yan. Wala silang kaukulang permit diyan," ayon sa pahayag ni Imus, Cavite chief Police Lieutenant Colonel Jun Alamo. "Basta sinamahan mo ng pera at bet money, talagang papasok ‘yan sa illegal gambling.”
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sa Imus, Cavite ang starting line ng karera kung saan pinapakawalan ang mga kalapati na nag-uunahang makarating sa finish line na nasa Camarines Norte.
“Nagpalipad sila siguro ng 10 a.m. to 12 p.m. within 6 to 10 hours, malalaman mo na ‘yon,” ani Alamo.
“Du’n sa paa ng kalapati may nakalagay na code. I-scratch mo ‘yun. Then after ma-scratch mo, makikita mo du’n ‘yung code or number. Then ‘yung code and number na ‘yun i-open mo sa kanilang website. May sarili silang website eh. So du’n mo makikita kung number 3 ka, number 4. Yung ranking mo,” dagdag pa niya.
Ipinagharap na ng reklamong paglabag sa Republic Act 1602 o Illegal Gambling Law ang mga inaresto.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News