Sumisilip sa bintana, kamay na nagbubukas ng kurtina, at mga yabag na akyat-baba -- ilan lamang ito sa mga misteryosong nilalang na gumagambala sa isang bahay sa Las Piñas City. Ang mga elemento umano, nahagip sa CCTV at nai-record pa sa cellphone ang boses.

"Wala kaming ideya. Nagtataka lang ako kasi bakit iba-iba tsaka ang dami," sabi ni April dela Peña, 30-anyos sa "Dapat Alam Mo!"

"Ibang kuwento, ibang tao. Nakakakita ako ng batang tumatalon. Meron ding sumisilip sa bintana, may kamay na nagbubukas ng kurtina, akyat-baba sa hagdanan namin," dagdag pa ni Dela Peña.

Dahil dito, lagi raw silang nagigising tuwing 3 a.m., na kung hindi gawa ng pusa ay may naririnig silang kumakatok.

Hanggang sa magkabit na sina Dela Peña ng CCTV sa kanilang bahay, sa pagbakasakaling mahagip ang mga nilalang na hindi nakikita pero nagpaparamdam.

"Kinabukasan nagulat ako. Pagtapat ko ng 3 a.m. doon madaming activities," sabi ni Dela Peña.

Binisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang bahay nina Dela Peña para suriin ang pinanggagalingan ng mga hindi nakikitang nilalang umano.

Ayon kay Ed, may nakita siyang batang naglalaro at tumatawid, at nakita niya rin ang nilalang sa bintana.

Natuklasan niya rin ang isang salamin na mahigit 10 taon na ang tanda, na isa sa mga umaakit ng mga nilalang.

Kinumpirma niya rin ang presenya ng nilalang na akyat-baba sa hagdan, pati na rin ang isang madilim na enerhiya sa kwarto na nagdudulot ng mga bangungot.

Sa attic din ng bahay, malakas ang atraksyon nang walang tigil sa pagalaw ang pendulum.

Nang suriin ang lugar kung saan nahagip sa CCTV ang mga nilalang, malakas din ang enerhiyang natukoy ng pendulum.

Pinakinggan din ni Ed ang audio recording, na nagsabing "Bakit ba, P.... mo." Ang ina naman ni Dela Peña, may mga pasa rin sa braso.

"Maliwanag po iyan, mga espiritu po ng tao yan na namatay. Usually mga disturbed yan na kaluluwa," sabi ni Ed.

Alamin ang ginawang solusyon ni Ed para mabawasan ang pagpaparamdam sa bahay ng mga Dela Peña. —LBG, GMA Integrated News