Isang dambuhalang blue marlin na aabot sa 20 talampakan ang haba at bigat na 300 kilo ang nahuli sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, makikita sa video ang mga kalalakihan sa Barangay Dardarat sa Cabugao, Ilocos Sur, na nagtutulong-tulong upang madala sa pampang mula sa bangka ang giant blue Marlin
Ayon kay Trina Mae Solar, ang asawa niya at kaniyang ama ang nakahuli sa isda.
Inabot umano ng kalahating araw bago nadala sa pampang ang isda matapos itong mahuli dakong 8:00 a.m.
Sa laki at bigat ng isda, kinailangan pa raw magpatulong sa ibang bangka ang nakahuli sa blue marlin upang mahatak ang kanilang bangka na nabutas nang matusok ng nguso nito.
Ayon sa fisheries division ng Ilocos Sur, karaniwang lumalabas umano ang malalaking blue marlin sa "ber" month.--FRJ, GMA Integrated News