Inihayag ni Speaker Martin Romualdez nitong Lunes na hahabulin ng Kamara de Representantes ang mga hoarder at profiteer sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Hindi rin palalampasin ng ng lider ng mga kongresista ang mahal na singil sa kuryente.
“QuintaComm will push forward because talagang napaka importante ang food security. Food security is national security. And there is no place for profiteers, smugglers, hoarders, or those opportunists. The President already brought down tariff rates, ang dami-dami ng supply [ng bigas], pero bakit mataas pa rin ng presyo? That is what we are trying to ferret out. Sa mga profiteers diyan, unscrupulous traders, wholesalers, retailers, bantay kayo, because the QuintaComm will go after you,” sabi ni Romualdez sa mga mamamahayag.
Ang House Quinta Committee—na tinatawag ding Murang Pagkain Super Committee, na binubuo ng mga komite ng Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, at Social Services, pati na rin ang Special Committee on Food Security—ay nagsagawa ng mga pagdinig tungkol sa mga isyung konektado sa mataas na presyo ng pagkain at food security.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas kahit pa ibinabaang tariff rates para sa imported rice mula 35% hanggang 15% ngayong taon upang mapataas ang supply ng bigas at pababain ang presyo nito.
Si Zambales 1st District Representative Jefferson Khonghun, iminungkahi na ikonsiderang karumal-dumal na krimen ang pagmanipula sa presyo ng mga pagkain, gaya ng bigas.
“Kailangan nga i-consider yung price manipulation as a heinous crime. Kailangan talaga. Marami tayong mga kababayang mahihirap na naaapektuhan ng mga nagsasamantala na mga negosyante, lalong-lalo na sa presyo ng bigas,” saad ni Khonghun, miyembro ng House Committee on Agriculture and Food.
Sinuportahan din ni Khonghun at iba pang kongresista ang panawagan ni Romualdez na bumuo ang gobyerno ng mega task force na hahabol sa mga nagmamanipula sa presyo ng produkto at mga tiwaling negosyante.
“Tama naman yung sinabi ni Speaker Martin. And if it’s created, itong mega task force na ito para habulin ang mga smuggler, nag-iipit ng mga presyo, parang cartel na nga po ito,” ayon kay La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega.
“Nakakailang hearing pa lang ang QuintaComm, kita na natin yung extent ng manipulation, ng disparity ng presyo, ng supply, lalo na ng bigas. Wala tayong kakulangan sa supply, maayos ang importation natin, pero hindi bumababa ang presyo,” dagdag naman ni Tingog Partylist Representative Jude Acidre.
“I think the call of the speaker is not only timely but it’s urgent. Kailangan talaga nating panagutin kasi habang wala tayong nakikita na nananagot ay patuloy na siguro people will take advantage of the situation,” patuloy niya.
Inihayag din ni Romualdez, na kasamang tutukan din ng Kongreso ang mapababa ang singil sa kuryente sa sandaling matapos ang paghabol nila sa mga nagmamanipula sa presyo ng bigas.
“We will not stop there [on going after hoarders]. Mind you, once we solve that, or at least we get into the process of bringing down the prices of basic commodities, we will look at other basic needs of people like [bringing down] energy cost, [cost of] water,” ayon sa lider ng Kamara.
“We will look at very basic needs of the people because we are the House of the people, on how we can improve the lives of Filipinos who are not perhaps as lucky as many of us here. That is our mission, [and] that is the mission of the President,” dagdag niya.
Sa 2025, inaasahan na lalo pang tataas ang singil sa kuryente matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang koleksyon ng P3.05 bilyon na hindi nababayarang reserve market fees.
Layunin umano ng naturang hakbang na tiyakin ang patuloy na operasyon at katatagan ng power system, na magdudulot ng dagdag na gastos sa mga tao. — mula sa ulat ninaTina Panganiban-Perez/Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News