Isa ang patay habang pito ang nakaligtas matapos tumaob ang isang bangka sa Aparri, Cagayan.

Ang biktima, papunta lang sana sa burol ng kanilang kaanak nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing sa bukana na ng Cagayan River sa bahagi ng Aparri na natagpuan ang palutang-lutang na bangkay ng 38-anyos na si Erold Gleste na taga-Barangay Paruddun Sur.

Pasado 6 p.m. noong November 11, kasama ang iba pang mga kaanak, nang hampasin ng malaking alon ang kanilang bangka dahilan upang tumaob ito.

“Patawid sila ng Cagayan River from Paruddun Sur papunta sa Centro, Aparri para makilamay sa kamag-anak nila sa Barangay Punta, Aparri, Cagayan,” saad ni Aparri Maritime Police Precinct commander Police Lieutenant Robin Guanga.

Pito sa mga sakay ng bangka ang nakaligtas kabilang ang dalawang menor de edad.

Gayunman, umaga na ng November 13 nang makita ng isang mangingisda ang bangkay ni Gleste.

“Ang Aparri West kasi ay sa kabilang banda ng Centro, Aparri, hinati ito ng Cagayan River kaya halos lahat ng mga residente natin sa Aparri West, bangka ang gamit nila para makatawid dito sa Centro ng Aparri,” ani Guanga. 

Agad naman inuuwi ang labi ng biktima.

Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. —NB, GMA Integrated News