Pinagbabaril sa kaniyang sasakyan at napatay ang isang operator ng sabungan sa Tanauan City, Batangas.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Joselito de Chavez.

Ayon sa pulisya, dakong 8:00 pm nang umalis ng sabungan sa Barangay Natatas ang biktima. Nasa 300 metro pa lang nakalalayo ang biktima nang tambangan na siya ng mga salarin.

Ang anak ng biktima na si Leah, sinabing wala siyang alam o nababalitaan na kaaway ng ama.

Matulungin umano ang kaniyang ama sa mga taong lumalapit dito.

Nanawagan siya sa mga awtoridad na bigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang ama.

May anggulo na umanong tinutukan ang mupisya bilang motibo sa krimen. Patuloy din silang naghahanap ng kuha ng CCTV na maaaring makatulong sa kanilang imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News