Halip na pera, makapal na papel ang tumambad sa isang 76-anyos na lola matapos siyang mabiktima ng modus na budol sa Baao, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, ikinuwento ng manugang ng biktima na nilapitan ng mga hindi kilalang babae kamakailan ang kaniyang biyenan habang nasa sentro ito ng Baao.

Kinausap umano ng mga suspek ang biktima at pinag-withdraw ng pera sa dalawang bank account nito.

Ibinigay din ng biktima, na residente ng Barangay Buluang, ang kaniyang mga alahas matapos pangakuan na babayaran ng tig-P1,000 ang bawat isa.

Ang mga pera at alahas na aabot sa P420,000.00, inilagay sa isang lalagyan, at ibinalot sa papel at duct tape bago ibinigay sa biktima.

Nangako raw ang mga suspek sa biktima na babalik sila pero hindi na sila bumalik. At nang buksan ng biktima ang ibinalot sa tape, wala na ang pera at makapal na papel na ang laman.

"Parang naramdaman daw ni mommy nu'n time na 'yon, kinakabahan na talaga siya. Parang may mga magagandang salitang (sinabi) kay mommy kaya siya naengganyo," ayon kay Antonyo Panambo, manugang ng biktima.

"Matangkad daw yung isang babae, maitim. Yung isa naman, mababa, mataba, medyo may edad na raw. Tapos yung lalaki raw na kasama nila mataba, mababa. Dalawang kotse raw yung naghihintay kay mommy," dagdag niya.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga suspek. —FRJ, GMA News