Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano'y tangkang pagdukot sa dalawang Grade 5 students sa labas ng isang paaralan sa Masbate City. Napag-alaman na may katulad na ring insidente noong Agosto.

Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV News nitong Lunes, lumitaw sa paunang imbestigasyon ng pulisya na naghihintay ng masasakyan ang dalawang batang estudyanteng lalaki dakong 10:40 a.m., nang lumapit sa kanila ang isang lalaki at inalok sila na ihahatid pauwi.

Sa pag-aakala na tricycle ang kanilang sasakyan, pumayag ang mga estudyante. Ngunit nang makita nila na isang van ang kanilang sasakyan, agad daw na tumakbo ang mga estudyante pabalik sa paaralan.

Sa isa pang impormasyon mula sa principal ng paaralan, sinabi nito na tatlong grade 5 students din umano ang tinangkang dukutin sa lugar noong nakaraang Agosto.

“Kaya ngayon naghigpit po kami sa may gate. Kasi doon po sa likurang gate ‘yon. Isinara po namin ang gate sa likuran kasi wala po kaming official na guard na nagta-tao doon sa likod ng gate,” pahayag ni Elvira Cabug, principal ng paaralan.

Sa ngayon, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking sinasabi ng mga bata na nagtangkang dumukot sa kanila.

Nagdagdag na rin ng seguridad ang paaralan sa lugar para maiwasan pang maulit ang insidente.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated Affairs