Naaresto ng mga awtoridad ang isang mag-asawa sa Imus, Cavite na nagbebenta umano ng shabu na umaabot ang kabuuang halaga sa P251.6 milyon.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr., ang mga suspek na nadakip sa operasyon na isinagawa noong Sabado na sina Datu Ali Sampulna at Almira Sampulna.
Aabot umano sa pitong kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat sa mag-asawa.
“This laudable police operation manifests the keen resolve of the PNP to support the national anti-drug abuse campaign thru supply and reduction strategies of police operations,” ayon kay Azurin.
Sa isang ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabing high value target ang mga suspek. May nakuha ring notebook sa mag-asawa na pinaniniwalaang naglalaman ng transaksyon sa pagtutulak nila ng ilegal na droga.
Inamin umano ng mag-asawa na nagtutulak sila ng ilegal na droga. Pero hindi raw nila personal na kilala ang pinagkukunan nila ng shabu, at sa cellphone lang nila nakakausap.--FRJ, GMA Integrated News