Tatlo ang patay matapos bumangga sa puno ang sinasakyan nilang jeep sa Calatrava, Negros Occidental, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rutchell Visitacion, Elma Baynosa at Aranita Agravante.

Samantala, aabot naman sa 36 ang nasugatan dahil sa aksidente.

Batay sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang pababang kurbada ng highway sa Barangay Malatas nang mawalan ito ng preno. Gumewang-gewang daw ito hanggang sa bumangga sa puno.

Bukod sa puno, nabangga rin ng jeep ang isang tindahan at dalawang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, overloaded ang jeep kaya maaaring hindi nito kinaya ang bigat.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang driver ng jeep na si Jose Jequito Florencondia. Wala pa siyang pahayag. —KBK, GMA Integrated News