Arestadong muli ang isang lalaking most wanted sa Laguna na binaril sa ulo noon ang kaniyang ama, matapos niyang abusuhin naman umano ang kaniyang kapatid na babae.

Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing nadakip sa Calauan, Laguna ang lalaki, na dati nang nakulong sa reklamong parricide nang barilin sa ulo ang kaniyang tatay noong 2017.

Nakalabas ang suspek sa kulungan matapos pumanaw ang kaniyang nanay na complainant sa kaso.

Pero may warrant of arrest na naman ang suspek matapos abusuhin naman umano ang nakababatang kapatid na babae.

Nangyari ang pang-aabuso umano noong Marso 24, na nasundan noong Hunyo 19 kung saan sinaktan pa umano ng suspek ang biktima sa pamamagitan ng pagsakal.

Sinakal umano ng suspek ang kaniyang kapatid nang umalma ito sa pangmomolestiya.

Samantala, nadakip sa pila ng tricycle sa Calamba ang isa pang suspek, na numero unong most wanted matapos barilin ang isang 14-anyos na binatilyo sa loob ng computer shop sa Biñan.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng mga suspek, na nasa police custody na. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News